Binuweltahan ni Congressman Doy Leachon si Deputy Speaker LRay Villafuerte sa ginawa umanong panghahamak kay Congressman Lord Allan Velasco.
Sinabihan ni Leachon si Villafuerte na itim ang bibig dahil puro kasinungalingan ang pinagsasabi nito.
Ayon kay Leachon, hindi tulad ni Villafuerte na minana lamang ang posisyon sa pulitika sa kaniyang ama; si Velasco aniya ay nagsimula bilang provincial administrator bago naging third termer cogressman ng Marinduque.
Tinawag ding oportunista ni Leachon si Villafuerte na sinasamantala aniya ang pagiging malapit sa house leadership para maisulong ang personal na interes tulad ng P10-bilyong insertion sa budget kabilang ang P500-milyon para sa konstruksyon ng kapitolyo sa Camarines Sur kung saan gobernador ang anak nito.
Hinamon din ni Leachon si Villafuerte na pangalanan ang 20 kongresista na sinasabing inalok ng chairmanship position ni Velasco.
Pinagsabihan rin ni Leachon si Kabayan Representative Ron Salo na huwag ipahalata ang pagiging bias matapos banatan sina Buhay Representative Lito Atienza at PBA representative Jericho Nograles.
Naniniwala si Leachon na ang pakanang ito ng mga kakampi ng house speaker ay squid tactic para impluwensyahan ang mga miyembro ng kamara na huwag kilalanin ang term sharing agreement. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)