Patay ang leader at itinuturing na Emir ng grupong Dawlah Islamiyah at asawa nito matapos makipagsagupaan sa mga otoridad sa Maguindanao.
Kinilala ni Maj. Gen. Juvymax Uy, Commander ng 6th Infantry Division ang terrorist leader na si Salahuddin Hassan at Jehana Minbida na napatay sa barangay Damablac, sa bayan ng Talayan, Kahapon.
Ayon kay Uy, aarestuhin sana ng mga otoridad si Hassan subalit nanlaban ito.
Si Hassan na may mga alyas na Orak, Salah at Abu Salman ay may patong sa ulo na 1.3 million pesos at isa sa mga tinukoy ng anti-terrorism council na pangunahing terrorist leader sa Mindanao.
Sangkot din ito sa ilang insidente ng panununog at pambobomba sa yellow bus lines sa North Cotabato at serye ng terror attacks sa Maguindanao, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Si Minbida naman anya ang nagsisilbing finance officer ng grupo.
Agad namang inilibing ang mag-asawa ng kanilang mga kaanak bilang bahagi ng tradisyon ng mga Muslim. —sa panulat ni Drew Nacino