Kontra ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa pinaplanong pagbabawas sa 14-day quarantine period ng mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) bago makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Ayon kay Marinduque Governor Presbitero Velasco, Jr., pangulo ng LPP, hindi lahat ng local government ay mayroong pondo para i-accommodate ang mga OFWs na magku-quarantine pa sa local facilities.
Sila aniya kasi ang sasagot sa pagkain at tirahan pansamantala ng mga OFWs na kababayan nila habang tinatapos ang kabuuang quarantine period nito.
Una nang isinulong ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang 10 araw na lamang na quarantine period para sa mga OFWs dahil nanganganib nang masimot ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magbabayad kung saan muna mananatili pansamantala ang mga OFWs.