Sa kabila ng pag-ulan na nararanasan ng bansa dahil sa epekto ng hanging amihan, patuloy na bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Batay sa datos ng PAGASA, mula sa 212 meters normal high ng lebel ng tubig ay bumaba ito sa 195. 36 meters.
Bukod pa dito, pababa narin ang lebel ng tubig sa iba pang karatig dam tulad ng Ipo, Pantabangan, San Roque at Magat Dam.
Ayon sa PAGASA, hindi parin sapat ang nararanasang pag-ulan sa bansa para mapunan o mapataas ang kakulangan sa lebel ng tubig sa Angat Dam.
Nauna nang sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) na posibleng sumadsad pa sa minimum operating levels na 180 meters ang tubig sa Angat Dam pagsapit ng Abril.
Gumagawa na ng hakbang ang Maynilad at Manila Water Services kung saan, plano nilang maglagay ng Modular Water Treatment Plant at deep well para masiguro ang suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. —sa panulat ni Angelica Doctolero