Nakababawi nang muli ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan bunsod ng mga nararanasang pag-ulang dala ng hanging habagat na pinaigting pa ng Bagyong Hanna.
Batay sa tala ng PAGASA Hydrology Division kaninang ala 6:00 ng umaga, pumalo na sa 167.85 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Mas mataas ito kumpara sa 167.17 meters na naitalang lebel ng tubig nitong Sabado bagama’t malayo pa rin ito sa 210 meters na normal high level ng tubig sa dam.
Maliban sa Angat, nadagdagan rin ang tubig sa La Mesa Dam na nasa 75.05 meters na bahagyang mataas kaysa sa 74.65 meters na naitalang lebel ng tubig nitong Sabado.
Samantala, nadagdagan rin ang lebel ng tubig sa iba pang mga dam sa Luzon tulad ng Ipo, Ambuklao, Binga, San Roque at Pantabangan habang may katiting na pagbaba naman ng lebel ng tubig sa mga dam ng Magat at Caliraya.