Nasa kritikal na lebel na ang Marikina river dahil sa walang tigil na mga pag-ulan dala ng bagyong Gorio.
Sa panayam ng DWIZ ngayong umaga kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro ipinabatid nitong umabot na sa 14.9 meters ang lebel ng tubig sa ilog.
“Ang protocol natin kapag umabot na sa 15 meters magfi-first alarm tayo, meaning dapat nang maghanda, kapag umabot na ng 16 meters, magsisimula na tayong mag-evacuate ng mga residente, kapag lumagpas na sa 16 meters ay magpapatupad na tayo ng forced evacuation.” Ani Teodoro
Gayunman sinabi ni Teodoro na nakahanda na ang kanilang local government units o mga LGU sakali mang kailanganing lumikas ng mga residente sa lugar.
Naka-preposition na din ang mga relief goods, rescue boats at evacuation centers.
Sa ngayon aniya ay walang ulan sa Marikina ngunit patuloy pa rin silang nakabantay dahil sakaling maulan sa mga lugar sa taas na bahagi ng Marikina ay sa kanila rin bubuhos ang tubig mula sa mga bundok.
Ayon kay Teodoro, matinding leksyon ang kanilang natutunan mula nang malubog ang halos buong syudad ng Marikina dahil sa bagyong Ondoy.
Sa tulong aniya ng Project Noah ay nalagyan ng limang (5) rain water volume station ang Marikina City kayat nasusukat na nila agad kung gaano karaming tubig ang bababa sa Marikina river mula sa mga kabundukan ng Rizal.
“May 5 stations tayo (rain water volume) kaya kapag umulan sa mga area na yun ay alam natin ang volume ng tubig na bababa sa Marikina, yan ang early warning system natin, sa mga nakaraang panahon yung Project NOAH ng DOST ay sa Marikina una nilunsad, yung sa Ondoy nabigla lahat dahil wala tayong mga early warning system eh.”