Ibinababa na sa ikalawang alarma ang Marikina River ngayong araw kasunod ng pagbaba ng antas ng tubig nito.
Batay sa Marikina Public Information Office, nasa 16.5 meters na lamang ang antas ng tubig sa Marikina River dakong alas-6:00 ng umaga.
Humupa na rin ang baha sa ilang mga lugar sa lungsod.
Samantala, makapal na putik ang ngayo’y pinatutulungang linisin ng mga residente ng Marikina City matapos humupa ang bahang dulot ng malakas na buhos ng ulan na dala ng hanging habagat.
Ayon sa Markina Rescue 161, bukod sa mga daan ay di rin nakaligtas sa makapal na putik ang mga bahay at imprastraktura na nakatayo malapit sa riverbank.
Dahil dito, kinakailangan mag-deploy ng personnel ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA upang isaayos ang traffic situation sa lugar.
Pangulong Duterte bibisita sa mga nasalanta ng baha sa Marikina City
Planong bumisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng flashfloods sa Marikina City, ngayong araw.
Ito ang tugon ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa nag-trending na #NasaanAngPangulo sa microblogging site na Twitter.
Ayon kay Go, kararating lamang kahapon ni Pangulong Duterte sa Malacañang mula sa Davao City at patuloy na minomonitor ang sitwasyon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Sa katunayan anya ay nais ng Punong Ehekutibo na magsagawa ng aerial survey upang mabatid kung gaano kalaki ang pinsalang dulot ng baha subalit hindi natuloy dahil sa masamang panahon.—Drew Nacino
—-