Nananatili sa normal ang lebel ng Marikina River pero patuloy itong binabantayan dahil sa walang patid na mga pag-ulan lalo’t nabuo na ang Bagyong Hanna.
Ayon sa datos ng Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office, dakong alas 10:00 kaninang umaga, nasa 13.9 meters ang lebel ng tubig sa ilog.
Sakaling hindi tumigil at magpatuloy ang mga pag-ulan, posibleng umabot ang lebel ng tubig sa 15 meters na hudyat ng unang alarma.
Habang kapag pumalo naman sa 16 meters, ito’y nasa 2nd alarma na at dapat na maghanda na ang mga residente roon na lumikas.
Una rito, sinabi ng Marikina DRRMO na wala pa silang ipinatutupad na forced evacuation para sa lahat ng mga residente hanggang sa pumalo sa 18 meters ang lebel ng tubig sa ilog.