Hindi sapat ang mga argumento ng kampo ni Senador Grace Poe para mabaligtad ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na kanselahin ang kandidatura sa pagka-pangulo ng senadora.
Ayon kay Atty. Edgardo Carlo Vistan, naniniwala siyang hindi natural born filipino si Poe at bigo itong maabot ang 10-year residence requirement.
Gayunman, naniniwala si UP College of Law Dean Danilo Concepcion na wala sa hurisdiksyon ng COMELEC na i-disqualify si Poe.
Binigyang diin ni Concepcion na ang PET o Presidential Electoral Tribunal ang tanging huhusga sa lahat ng mga usapin sa eleksyon, returns at qualifications ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa at ito aniya ay maaaring mag-convene pagkatapos ng eleksyon.
Dapat aniyang isulong ng mga kumuwestyon sa citizenship at residency ni Poe ang mga naturang usapin sa PET sakaling manalo ang senadora sa May 9 presidential elections.
Kaba at hindi takot
Kinakabahan subalit walang takot.
Ito ang pakiramdam ni Senador Grace Poe matapos ihayag ang kahandaan sa anumang magiging pasya ng Korte Suprema sa apela niyang ibasura ang pagkansela ng COMELEC sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.
Sinabi ni Poe na naniniwala siyang papabor sa kanya ang desisyon ng High Tribunal tulad na rin ng naging ruling nito sa kaso ng yumaong amang si Fernando Poe, Jr. na nilabanan ang mga duda sa citizenship nito sa pagtakbong pangulo noong 2004.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Poe ang matinding suporta sa kanya ng inang si Susan Roces na dumalo rin sa ginanap na oral argument sa Korte Suprema kahapon.
Natutuwa aniya siya dahil nasa tabi niya ang kanyang ina sa pagharap sa aniya’y malaking hamon sa kanilang buhay.
By Judith Larino
*Photo Credit: cnnph