Isinusulong sa senado ni Senator Raffy Tulfo ang pagsasalegal sa importasyon ng ukay-ukay o ang pagbebenta ng mga secondhand na damit sa Pilipinas.
Batay sa inihaing Senate Bill no. 1778 ni Sen. Tulfo, pinababasura ang Republic Act 4635 o ang batas na nagbabawal sa importasyon ng secondhand textile article o ang tinatawag na used clothing and rugs.
Layunin kasi nitong maprotektahan ang kalusugan ng publiko at mapanatili ang dignidad ng bansa.
Ayon kay Tulfo, ang pagbabawal sa importasyon ng ukay-ukay ay maituturing na iligal pero hindi umano ito naipatutupad dahil sa kaliwa’t kanang pagtitinda nito.
Iginiit pa ng senador na mayroon ding non-government organization (NGO) ang nagbibigay ng imported secondhand clothes sa mga apektadong lugar partikular na ang mga biktima ng kalamidad.
Tiwala din si Tulfo na mayroong mga Pilipino ang bumibili ng bulto-bultong mga damit para ibenta ng tingi-tingi at pagkakitaan.
Bukod pa dito, bahagi na aniya ng kulturang pilipino ang “ukay-ukay” na nagpaangat sa industriya ng bansa at lumikha ng mas maraming trabaho sa mga pinoy pero hindi umano nakokolektahan ng tamang buwis dahil sa underground business.
Sa ilalim ng batas na isinusulong ni Tulfo, inaatasan ang Philippine Tariff Commission na makipag-ugnayan sa ibat-ibang ahensya para sa naa-angkop na buwis sa commercial importation at pagtatakda ng health standards sa importasyon at distribusyon ng mga ukay-ukay. - mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)