Itatampok sa itatayong Philippine Olympic Committee (POC) Museum sa New Clark City sa Capaz, Tarlac ang mga legasiya ng yumaong dating Asian Sprint Queen na si Lydia de Vega-Mercado.
Tiniyak ito ni POC President Representative Abraham “Bambol” Tolentino sa anak ni de Vega na si Stephanie Mercado-Koenigswarter at ina nito na si Mary nang bumisita sa burol ng yumaong atleta.
Plano ng POC na ilagay ang lahat ng natanggap na karangalan ni de Vega sa loob ng Olympic Museum bilang pagbibigay-pugay sa kaniya at sa bansa.
Dagdag pa niya, magiging inspirasyon ang mga karangalan ni de Vega sa lahat ng atleta at aspiring athletes sa Pilipinas.
Nabatid na nanalo si de Vega-Mercado bilang two-time Asian Games Champion, four-time asian champion at nine-time Southeast Asian games gold winner noong kapanahunan nito.
Namatay si de Vega noong Miyerkules matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa sakit na breast cancer. - sa panulat ni Hannah Oledan