Balik na ang operasyon ng Legazpi City airport ngayong araw.
Ito ay matapos na ilang araw na ipinahinto ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa Albay.
Gayunman, batay sa ipinalabas na NOTAM o notice to airmen ng CAAP, limitado lamang sa umaga ang biyahe ng mga eroplano patungo at pabalik ng Legazpi City lalo’t nakataas pa rin sa alert level 4 ang status ng bulkang Mayon.
Kasabay nito patuloy pa ring pinapayuhan ng CAAP ang mga piloto na mag-ingat sa pagliban malapit sa bulkang Mayon dahil delikado sa makina ng mga eroplano ang ibinubuga nitong abo.
Batay naman sa ipinalabas na abiso ng Cebu Pacific, tuloy na ang mga biyahe ng kanilang mga eroplano na may mga rutang Manila-Legazpi-Manila at Cebu-Legazpi-Cebu ngayong araw hanggang sa Linggo, Enero 29.
Habang nananatiling kanselado ang ilan sa kanilang mga flights sa madaling araw at gabi.
—-