Pormal nang inanunsyo ni Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas, na ang kanyang magiging katambal sa 2016 Presidential elections ay si Congresswoman Leni Robredo.
Ipinaliwanag ni Roxas na dumaan sa pagsusuri ang pagpili sa kaniyang magiging Bise Presidente at naniniwala siyang perpekto si Robredo, para sa posisyon.
“Choosing a Vice President is one of the first real and really big decisions that a standard bearer make, our message has always have been about continuity, continuity sa prinsipyo, sa integridad, sa malasakit at katapatan sa pag-una ng bayan bago ang sarili, Si Leni Robredo, tiyak natin swak na swak sa mga batayang prinsipyo at sagad to the bones ang paniniwala sa Daang Matuwid.” Ani Roxas.
Kinilala din ni Roxas ang mga nagawa ni Robredo, na nagpapakita ng dedikasyon nito sa pagseserbisyo at gayun din ang suporta publiko, para sa kanya.
“Kailangan ka naming lahat para pag-isahin ang puwersa ng reporma at siguruhing ang mga nasimulan namin ay magpapatuloy, hindi magiging madali ang laban na ito pero kami lahat ay nasa likod mo, higit pa dito nasa likod natin si PNoy, at higit nasa likod natin ang ating mga boss.” Dagdag ni Roxas.
Leni Robredo
Tinanggap na ni Camarines Sur Representative Leni Robredo na tumakbong Bise Presidente at maging running mate ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa 2016 elections.
Ayon kay Robredo, matapos ang malalim na pag-iisip… malalim na konsultasyon at mataimtim na panalangin ay nagdesisyon na aniyang siyang tumakbo bilang Bise Presidente.
“Buong puso, buong pananampalataya at buong tapat ko pong tinatanggap ang hamon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ni Secretary Mar Roxas. “ Ani Robredo.
Tiniyak ni Robredo na ang mga ordinaryong mamamayan at yung mga higit na nangangailangan ang kanyang tututukan sa kanyang mga isusulong na programa.
“Sa ating mga kababayan lalong-lalo na sa inyong mga naka-tsinelas na nasa labas, nasa ibaba, at nasa laylayan ng lipunan, maraming maraming salamat po.
By Katrina Valle | Ralph Obina | Jonathan Andal