Walang kinalaman ang Leonel Waste Management Corp. sa ga-bundok na basura na hindi nakolekta sa 16 na barangay sa lungsod nitong nakaraang 3 linggo.
Ito ang iginiit ni Parañaque Vice Mayor Joan Villafuerte matapos ang naging pahayag ni Mayor Eric Olivarez na posibleng “Sinabotahe” raw ng Dating Contractor matapos maranasan ng mga residente ang pagtambak ng mga basura sa kalye.
Aniya, ang dapat sagutin ni Olivarez ay kung bakit nito nilagdaan ang kontrata ng Metrowaste Solid Management Corp.(Metro Waste) na hindi dumaan sa konseho noong December 27, 2022.
Pangalawa, ang kontrata ng lungsod sa Leonel noong isang taon ay nagkakahalagang P 414, 240 – M lamang habang ang metrowaste ay P 414, 803 – M , o mas mababa ng P 373 ,000 , pero na award ang kontrata rito.
Ayon pa sa bise-alkalde, ipinagtataka ng ilang konsehal kung bakit parang hindi aniya alam ng alkalde na ang Leonel ay naging garbage contractor ng lungsod ng 9 na taon, kung saan ang Alkalde noon ay ang mismong nakakatanda niyang kapatid na si Congressman Edwin Olivarez.
Matatandaang nagbigay ng privilege speech sina councilor Rico Golez at Jomari Yllana sa isang special session kung saan kinuwestyon din nila ang madaliang pag-award ng kontrata sa metrowaste.