Maghihintay pa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng susunod na hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) hinggil sa desisyon ng Court of Appeals (CA) na tanggalin sa narco-list ni pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ni Leyte Representative Vicente Veloso III.
Sa isang pahayag, sinabi ng PDEA na nirerespeto nito ang desisyon ng CA na tanggalin ang pangalan ng naturang mambabatas sa database.
Paliwanag pa ng PDEA, na ang osg ang nagsisilbing tagapagtanggol ng lahat ng ahensya ng pamahalaan kung kaya’t ang kanilang hakbang patungkol sa utos ng CA ay idedepende pa rin sa sasabihin ng OSG.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng PDEA na kanilang masusing pinag-aaralan ang naturang utos ng CA maging ang mga pangalang dawit sa narcolist.
Magugunitang sa inilabas na desisyon ng CA 8th division nitong Hunyo 8, pinagbigyan nito ang hiling na writ of habeas data ni Veloso para matanggal ang kanyang pangalan sa naturang listahan.