Ikinagalit ni retired Archbishop Oscar Cruz ang pahayag ni Sarangani Representative Manny Pacquiao laban sa LGBT Community.
Inamin ng arzobispo na bagamat hindi siya pabor sa same sex marriage, mali pa rin aniyang maliitin at hamakin ni Pacquiao ang mga LGBT.
Binigyang diin ni Cruz na hindi ito ang tamang pagtrato sa ating kapwa.
“Aba’y huwag namang ganung tratuhin ang ating mga kapwa, ang mga LGBT, yan ay hindi naman LGBT pagka’t ginusto nila, kundi ganyan ang naganap sa kanilang buhay at ganyan ang kanilang pakiramdam, pero mga tao rin sila, mga kapatid po natin sila, kapwa, ang sabi ng ating kasulatan ay mahalin sila kagaya ng pagmamahal sa ating mga sarili, ang akin lamang idinidiin ay huwag namang maliitin na ganun at hindi po masasamang tao yan” Ani Cruz.
Nanindigan din si Cruz na mas marami pang mga tunay na lalake at babae ang masasamang tao kumpara sa mga LGBT.
“Matututo na siya kapag siya ay napaunlakang muli, na dahan-dahan siya sa kanyang pangungusap, mabuti at salamat sa Diyos na humingi siya ng kapatawaran sa kamalian na yun at siguro sa susunod medyo maingat na siya.” Pahayag ni Cruz.
By Ralph Obina | Ratsada Balita