Ipinauubaya na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa lokal na pamahalaan ng Pasay City ang pagpapataw ng parusa sa isa sa kanilang mga konsehal.
Kasunod ito ng insidente ng paninigaw at pagmumura ni Pasay City Councilor Arnel “Moti” Arceo sa mga health workers na naabutan niyang nagsasagawa ng rapid testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa session hall sa loob ng city hall.
Ayon kay Año, batid ni Pasay City Mayor Emi Calixto ang nangyari kaya ito ang bahalang magresolba at magpataw ng parusa sa konsehal kung kinakailangan.
Dagdag ni Año, may awtoridad naman aniya ang mga alkalde na magsagawa ng imbestigasyon.
Una nang humingi ng paumanhin ni Arceo at nilinaw na hindi siya nagalit sa mga medical workers bagkus ay sa Pasay City Health Office na hindi aniya ipina-alam ang pagsasagawa ng rapid testing sa loob ng session hall.