Naglabas na ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Malay sa Aklan, kasunod ng paglampas sa limit ng mga turistang bumisita sa Boracay nitong Semana Santa.
Ito ay matapos humingi ng paliwanag ang Department of Tourism (DOT) sa nangyari, na posible anilang magdulot ng surge ng COVID-19 cases.
Ayon kay Malay Acting Mayor Frolibar Bautista, hindi rin nila inaasahan ang biglaang pagdami ng turista, matapos ang halos dalawang taong mahigpit na restriksyon.
Nabatid na mula sa mandatong kapasidad na 19,000, umakyat pa sa 21,252 at 22,519 ang mga turistang bumisita sa Boracay nitong April 14 at 15.
Nananatili sa alert level 1 ang Aklan hanggang April 30 kaya hindi na ganoon kahigpit ang restriksyon.