Pag-aaralan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung papaanong ihahanay sa mga ordinansa ng local government unit (LGU) ang pinakahuling direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga indibidwal na makikitang walang suot na face mask sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kailangan nilang pulungin ang LGU at Philippine National Police (PNP) para pag-aralan kung papaano ipatutupad ang direktiba ng pangulo sa mga LGU.
Paliwanag ni Malaya, mayroon kasing kaniya-kaniyang ordinansa ang LGU mula sa kanilang sanggunian na nagtatakda ng parusang ipinapataw sa mga nahuhuling hindi nagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Nangyayari lang umano ang pag-aresto sa mga lumalabag sa ordinansa kapag ang mga ito ay nanlaban o nambastos ng mga awtoridad.
Ngunit dahil sa direktiba ng pangulo, kailangan muling kalkulahin ang mga ipinatutupad na ordinansa ng mga LGU ukol dito.