Inalerto ng Malakanyang ang mga lokal na pamahalaan laban sa kaso ng Japanese Encephalitis.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, dapat agad ipagbigay alam ng LGU’s o local government units sa Department of Health (DOH) kung may mga pinaghihinalaang kaso ng Japanese Encephalitis sa kanilang nasasakupan.
Kaugnay nito, pinawi ni Abella ang pangamba ng publiko sa paglaganap sa bansa ng naturang sakit lalot mahigpit aniyang naka-monitor dito ang gobyerno.
Una nang sinabi ni Health Spokesman at Assistant-Secretary Eric Tayag, hindi naman mga tao ang karaniwang kinakagat ng mga lamok na nagdadala ng Japanese Encephalitis bagkus ay mga hayop gaya ng baboy.
Hinahanap aniya ng mga lamok na may dalang Japanese Encephalitis ang maruming tubig sa paligid ng mga palayan kaya’t maliit din ang tiyansa na makakagat ng tao ang mga nasabing insekto.
Ibinabala naman ni Tayag na mas dapat pa ring mag – ingat ang publiko sa dengue.
_____