Binibigyang kapangyarihan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga lokal na pamahalaan na magdeklara ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga barangay na labis na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Presidential spokesman Secretary Harry Roque, ito’y kahit pa isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) ang maraming lugar sa bansa tulad ng Metro Manila at karatig rehiyon nito sa Luzon.
Ayon kay Roque, magkakaroon pa rin ng tinatawag na ‘pockets’ ang ECQ lalo’t kung mataas ang naitatalang kaso ruon ng COVID-19 kaya naman mananatiling limitado ang galaw ng mga residente rito.
Simula sa Lunes, Hunyo 1, isasailalim sa GCQ ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Cagayan Valley, Pangasinan, Albay at Davao City habang ang nalalabing bahagi ng bansa naman ay ilalagay na sa mas maluwag na modified GCQ.