Ipinauubaya na ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government unit kung o obligahin pa o hindi na ang negative RT-PCR test para sa mga indibidwal na papasok sa kani-kanilang mga teritoryo.
Kasunod na rin ito nang pagbaligtad ng pangulo sa pasya ng IATF na huwag nang i-require ng LGU’s ang negatibong swab test matapos umalma at umapela sa pangulo ang ilang LGU’s hinggil sa pinaluwag na border control dahil sila ang nakakaalam sa tunay na sitwasyon sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III bahala na ang LGU’s na magsagawa ng sariling risk assessment kung ire-require ang RT-PCR testing sa sinumang papasok sa kanilang lugar.
Ipinabatid ni Duque na inihahanda na ng DICT ang digital vaccine certification para sa mga LGU na ire-require lamang ang vaccination cards para sa mga papasok sa kanilang lugar matapos aniyang mag commit ang ahensya na ie-encode at ia-upload ang 90% ng kabuuang bilang ng mga nabakunahan na hanggang Hulyo 31.