Pinaghahanda na ng Department Of Health (DOH) ang mga Local Government Units (LGUs) sa posibilidad na ibaba sa level 2 ang alert status sa Metro Manila.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hinimok ng Inter-Agency Task Force ang iba pang ahensya na huwag nang maghintay sa mismong deklarasyon ng alert level status.
Ito, anya, ay upang maiwasan umanong lumobo muli ang kaso ng COVID-19 sa oras na ibaba ang alert status sa level 2 mula sa kasalukuyang level 3 sa NCR na magtatapos sa Nobyembre 14.
Sa ilalim ng alert level 2, mas marami pang negosyo ang papayagang magbukas at itataas na rin sa 50% ang kapasidad sa indoor activities habang 70% sa outdoor spaces.
Una nang inihayag ng DOH maging ng octa research group na nasa low risk classification na lamang ang national capital region, kung saan mas mababa na sa 50% ang Intensive Care Unit at ward bed capacity.
Bagaman bumaba rin ang two-week growth rate ng COVID-19, nilinaw ni Vergeire na nananatili ito sa positive level maging ang average daily attack rate sa kada 100,000 na populasyon na nasa 7.4.— sa panulat ni Drew Nacino