Nasa kamay na ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region ang desisyon kaugnay sa pag-regulate sa paggamit ng tubig sa mga business establishment upang makatulong na pagtugon sa epekto ng El Niño Phenomenon.
Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, nakadepende na sa mga LGU kung magpapasa ng ordinansa dahil hindi magkakapareho ang demographics ng bawat lungsod at hindi lahat ay may mga establisyimento na malakas sa paggamit ng tubig tulad na lamang ng mga hotel na may swimming pool.
Umapela naman si Mayor Zamora sa mga LGU na magtipid sa paggamit ng tubig at hinimok niya rin ang mga ito na mag-recycle at magkarron ng rainwater catchment system.
Una rito, hinimok din ng alkalde ang publiko na i-report sa barangay o city hall sakaling may makitang tagas sa tubo ng tubig o ilegal na koneksyon sa lugar upang mabilis itong maisaayos.
Sinabi pa ni Mayor Zamora na pinagana na ng mga LGU ang kani-kanilang El Niño Task Force.