Sang-ayon ang mga Local Government Unit sa pagbaba ng vaccination target ng Pamahalaan na nakatakdang ikasa ngayong araw, November 29, hanggang December 1.
Nabatid na mula sa 15-M target sa pagbabakuna ay ibinaba ito sa siyam na milyon, sanhi ng logistics issues.
Ayon kay Acting Health Spokesperson Beverly Ho, ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng 2 rounds ang pagbabakuna kung saan, layunin ng ahensya na maitaas pa ang bilang ng mababakunahan sa ikalawang National Vaccination Drive mula December 15 hanggang December 17.
Matatandaan din na inanunsyo ng national task force (NTF) Against COVID-19 at ng National Vaccination Operations Center na isa rin sa mga dahilan kaya binago ang target sa pagbabakuna ay dahil sa kakulangan ng suplay ng hiringgilya para sa MRNA-type vaccines kagaya ng Moderna at Pfizer.
Samantala, inaasahan naman ng DOH ang pagdating ng mas marami pang bakuna sa huling buwan ng taon na malaking tulong sa vaccination drive.
Sa ngayon nasa 30,000 boluntaryo ang makikilahok sa unang round ng National Vaccination Days. —sa panulat ni Angelica Doctolero