Hindi pinalampas ng Liberal Party ang alegasyon ni Department of Foreign Affairs o DFA Secretary Perfecto Yasay na bahagi ng destabilization plot laban sa pamahalaan ang pagharang sa kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments.
Binuksan ni Congresswoman Josephine Sato ang isyu sa hearing ng committee on foreign relations ng commission on appointments matapos nyang gisahin si Yasay sa isyu ng US citizenship nito.
Paliwanag naman ni Yasay, hindi mga miyembro ng komisyon ang kanyang pinatutungkulan kundi mga puwersa na nasa labas ng commission on appointments.
Dahil dito, hinamon naman ni Senador Francis Pangilinan, bilang pangulo ng Liberal Party si Yasay na patunayan ang kanyang akusasyon.
Cong. Josephine Sato hindi tinantanan ang pagkuwestyon sa citizenship ni DFA Sec. Yasay
Hindi tinantanan ni Congresswoman Josephine Sato ang pagkuwestyon sa citizenship ni DFA Secretary Perfecto Yasay sa hearing ng committee on foreign relations ng commission on appointments.
Sa kabila ito ng paghingi ng paumanhin ni Yasay sa komite matapos syang mabigong maipaliwanag ng malinaw ang hinggil sa nakuha nyang US citizenship sa unang hearing ng CA subalit inamin naman nya ito sa isang panayam sa telebisyon.
Sa muli nyang pagharap sa CA, nanindigan si Yasay na hindi sya kailanman naging mamamayan ng Estados Unidos.
Ipinaliwanag ni Yasay na sa ilalim ng batas sa Amerika, kailangang talikdan mo ang iyong permanenteng paninirahan sa bansang pinagmulan para magkabisa ang naipagkaloob ng na citizenship at pasaporte ng Estados Unidos.
Ayon kay Yasay, nag aplay sya ng US citizenship noong panahong magulo ang sitwasyong pulitikal sa Pilipinas dahil sa martial law subalit nagbago anya ang kanyang isip nang mapatay si dating Senador Benigno Aquino Jr. at magbago ang sitwasyong pulitikal sa bansa.
Buwelta naman ni Sato kay Yasay, kung hindi naging US citizen si Yasay, bakit kinailangan nyang humarap sa Vice Consul ng Amerika para talikdan ang kanyang US citizenship.
Ayon kay Sato, posibleng ayaw umamin ni Yasay na dati syang naging US citizen dahil mamamayan pa rin ito ng Amerika noong maitalagang Chairman ng Securities and Exchange Commission at noong tumakbo ito sa eleksyon.
By Len Aguirre |With Report from Cely Bueno