Libo-libong mga kabataang Pilpino ang nakibahagi sa pagbubukas ng National Youth Day 2019 na ginaganap sa Cebu City.
Batay sa tala ng pulisya, tinatayang nasa 15,000 kabataan ang nagsama-sama para isang prayer walk mula Cebu City Sports Complex hanggang Basilica Minore del Sto. Niño.
Pinangunahan naman ni Cebu Archbishop Jose Palma ang isang misa kung saan hinimok niya ang mga delegado na palakasin ang kanilang pananampalataya sa Diyos.
Kasabay nito, tiniyak din ni Palma sa mga magulang ang kaligtasan ng mga kabataang delegado ng National Youth Day.
Aniya, walang dapat ipangamba ang mga magulang dahil nasa mabuting kalagayan ang mga nasabing kabataan.
Nagtaas na rin ng red alert status ang Central Visayas Police sa buong lalawigan ng Cebu para matiyak ang kaligtasan ng mga delegado at iba pang mga panauhin.
Tatagal ang National Youth Day 2019 hanggang Linggo, Abril 28.