Libo-libong residente ang patuloy na tumatakas palayo sa Tripoli, Libya dahil sa tumitinding labanan sa pagitan ng mga puwersang tapat kay Prime Minister Fayez Al-Werraj at Commander Khalifa Haftar.
Napagalamang nagaganap ang labanan sa dating international airport sa distrito ng Ain-Zara.
Nakaposisyon na di umano sa layong pitong miles mula sa sentro ng Tripoli, Libya ang Libyan National Army (LNA) na kaalyado ni Haftar.
Ayon sa mga testigo, hindi tuluyang makapasok sa kapitolyo ng Libya ang LNA dahil hinaharangan sila ng shipping containers, sand barriers at pick-ups na mayroong machine guns.
DOLE nakahanda sa posibilidad na paglala pa ng sitwasyon sa Libya
Nakahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE) sakaling lumala pa ang kaguluhan sa Libya at maitaas pa sa alert level 4 ang sitwasyon duon.
Sa katunayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tutulak na patungo ng Libya sa susunod na linggo ang augmentation team ng DOLE upang tumulong sakaling kinakailangan nang magpatupad ng sapilitang paglilikas ng mga Pilipinong nasa lugar kung saan nagaganap ang mga labanan.
Sa ngayon aniya ay voluntary repatriation pa lamang ang umiiral sa ilalim ng alert level 3 na sitwasyon.
Nilinaw ni Bello na ang alert level 3 ay umiiral lamang sa labing tatlong lugar sa Libya o sa may 100 meter radius mula sa Tripoli kung saan ang apektadong mga Pilipino ay nasa humigit kumulang sa 2,600.