Nag-alok sa mga pasahero ng libreng antigen test ang DOTR-MRT 3 management.
Ito ay bilang pagtugon sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan, isasagawa ang libreng random antigen testing para sa mga boluntaryong pasahero na sisimulan ngayong araw, January 11 na tatagal hanggang January 31, 2022.
Ayon sa pamunuan ng DOTR, maglalagay ng antigen testing sites ang MRT-3 sa mga istasyon ng North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, at Taft Avenue kung saan, ang bawat istasyon ay pwedeng mag-accommodate ng 12 pasahero kada peak period, o 24 na pasahero kada isang araw sa bawat istasyon, katumbas ng 96 na pasahero sa kada araw para sa apat na istasyon.
Isasagawa ang random antigen testing tuwing peak hours mula alas-siete ng umaga hanggang alas-nueve ng umaga, at mula alas-singko ng hapon hanggang alas-siete ng gabi.
Kailangang punan ng volunteer passenger ang consent form at contact tracing form bago ikasa ang random antigen testing kung saan, libreng makasasakay ng MRT-3 ang mga pasaherong papayag sa random antigen testing na may negatibong resulta sa test.
Sa oras naman na magpositibo sa antigen testing, hindi na ito pasasakayin ng tren at aabisuhan ang pasahero na kaagad magself-isolate at makipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) para sa health monitoring at confirmatory RT-PCR testing.
Ang random antigen testing ay isasagawa ng mga trained medical personnel mula sa south superhighway medical center.—sa panulat ni Angelica Doctolero