Kasado na ang malawakang libreng bakuna kontra polio ng Department of Health o DOH sa kalakhang Maynila, Laguna at Mindanao sa Oktubre 14.
Ayon kay Health Spokesperson Undersecretary Eric Domingo, bahagi ito ng polio outbreak response ng pamahalaan kasunod ng panunumbalik ng nasabing sakit matapos ang halos dalawang dekada.
Aniya, libre ang ipamamahaging oral vaccination o patak lamang at walang injection sa mga batang may edad limang taon pababa.
Sinabi ni Domingo na isasagawa ang malawakang pagbakuna sa mga health center habang magsasagawa din sila ng pagbabahay-bahay para mapigilan ang pagkalat pa ng sakit.
Kasabay nito, tuturuan din ng DOH ang mga magulang ng tamang hygiene o pangangalaga sa katawan para makaiwas sa polio matapos makitaan ng virus ang ilang water sewage sa Manila at Davao.
“Number 1, yung sanitation doon sa area, tuturuan muna natin talaga. Paiigtingin po natin yung hygienic practices ng mga families to make sure na yung water na ginagamit nila is safe and then second po is yung ating outbreak immunization to protect all the children in the area kung saan may possible exposure to the virus (polio),” ani Domingo —sa panayam ng Sapol ni Jarius Bondoc.