Isinusulong ni Senador Sonny Angara ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng mga dialysis center na magbibigay ng libreng serbisyo para sa mga problema sa kidney.
Ayon kay Angara, maraming naninirahan sa mga lalawigan ang walang panggastos para bumiyahe pa sa urban cities para magpadialysis at hindi rin kayang tustusan ang gastos sa nasabing pagpapagamot.
Sa ilalim ng nasabing panukala, aatasan ang lahat ng mga pampublikong ospital sa buong bansa na maglagay, magpatakbo at magpanatili ng dialysis ward o unit na magbibigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap.
Karaniwan aniya kasing umaabot sa tatlong beses kada linggo ang dialysis ngunit marami sa mga pasyente ang lumalala sa halip na gumagaling sa kanilang karamdaman dahil sa magastos at limitado lamang ang access sa mga dialysis center.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno