Sinelyuhan na ng Department of the Interior And Local Government (DILG) at ng Pitmaster Foundation ang isang kasunduan para dalhin ang libreng dialysis sa mga liblib na barangay sa bansa.
Ayon kay Pitmaster Foundation Executive Director Atty. Caroline Cruz, bahagi aniya ito ng kanilang social responsibility at maliit na ambag sa pamahalaan na makapaghatid ng serbisyong medikal sa mga Pilipino.
Sa panig ng DILG, nagpasalamat naman si Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño sa Pitmaster dahil sa tulong nito sa mga mahihirap na pilipino na hirap makakuha ng dialysis services.
Maliban kasi sa kakapusan ng mga pasilidad para sa pagdi-dialysis, sinabi ni Diño, na napakamahal din ng gastusan para rito at hindi kinakaya ng maraming Pilipino.
Aniya, sa ilalim ng nasabing kasunduan, irerekumenda ng mga lokal na pamahalaan sa mga magpapadialysis na magpunta sa mga itatayong pasilidad ng pamahalaan kapartner ang Pitmaster Foundation.