Sa susunod na taon pa mararamdaman ang libreng edukasyon para sa lahat ng mga State Universities and Colleges o SUCs makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Free College Tuition Act.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi retroactive ang bagong batas at wala ring dapat na expansion sa populasyon ng mga estudyante na naka-enroll sa 114 na SUCs.
Aminado si Diokno na magkakaroon ng pagbabago sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon na una na nilang naisumite sa Kongreso para sa 16 bilyong pisong alokasyon sa iba’t ibang scholarships sa mga estudyante.
Itinuturing namang malaking hamon ng mga senador kung saan kukunin ang pondo para sa pagpapatupad ng nilagdaang Free College Tuition Act ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pangako naman ni Senador Panfilo Lacson, kaniyang sisilipin sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon ang mga pork barrel fund upang magamit sa pagbibigay ng libreng matrikula at inihayag na hindi dapat isama ang mga “bulakbol” at hindi karapat-dapat na mga estudyante.
By Drew Nacino