Inihain sa senado ang panukalang batas na magkakaloob ng libreng pagpapalibing sa mahihirap na pamilya.
Ito ay partikular sa mga Pilipinong P15,000 lamang ang sinasahod kada buwan, walang sariling bahay at sasakyan.
Ito ang Senate Bill No. 1695 ni Senador Raffy Tulfo na nais tuldukan ang problema ng maraming Pilipino na hindi kayang tugunan ang malaking gastusin sa burol at pagpapalibing.
Bagamat nagbibigay ng burial assistance na P10,000 ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay pinagdadalamhatian pa rin ang malaking gastos sa pagpapalibing.
Ito ay dahil sa aabot sa P10,000 hanggang daan-libong piso ang magagastos sa burol at pagpapalibing ng mga yumaong kaanak.
Kasama naman sa sasagutin ng gobyerno ang paghahanda ng funeral documents, pagpapa-embalsamo, burol, pagpapalibing, cremation at tatlong araw na burol sa bahay o barangay hall hanggang sa mailibing.
Samantala, tig-isang miyembro lamang ng pamilya kada buwan ang maaaring mabigyan ng libreng serbisyo kada mortuary branch. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19), sa panulat ni Hannah Oledan