Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang mga residente nito na samantalahin na ang libreng COVID-19 testing ngayong unti-unti nang nagbubukas muli ang ekonomiya sa ilalim ng Alert level 4.
Layon nitong panatihilin ang pangako ng LGU sa kanilang mamamayan na ipatupad ang Prevent, Detect, Isolate, Treat at Reintegrate (PDITR) strategy para labanan ang COVID-19.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, naniniwala siyang malaking maitutulong ng mabilis na pagtukoy ng mga kaso ng COVID-19 para mapababa hanggang sa tuluyang pigilan ag pagkalat nito.
Dahil sa epektibong mga hakbang para labanan ang virus, nananatiling mababa ang naitatalang mga kaso ng COVID-19 sa Taguig City kumpara sa naitatalang mga bagong kaso sa Metro Manila.
Hinikayat din ni Cayetano ang mga mamamayan nito na maging mapagmatyag dahil nariyan pa rin ang banta ng virus at walang sinisino kahit na bakunado pa ang mga ito.