Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs o DFA sa publiko na hanggang sa katapusan na lamang ng buwang ito o sa ika-31 ng Disyembre, 2015 ang gratis passport extension facility o yung libreng pagpapalawig sa validity ng mga passport.
Matatandaan na noong Agosto nitong taon ay pinalawig ng DFA ang validity ng Philippine passports nang libre bilang tugon sa pinagdaanan nitong backlog sa pag-iisyu ng travel documents, partikular sa mga OFW.
Ibig sabihin ayon sa DFA, simula sa Enero 1 sa susunod na taon ay magbabalik na sa normal ang passport production.
Kaugnay nito, hinihikayat ng ahensya ang publiko na mag-renew na sa Aseana sa Paranaque City.
Pupuwede rin anilang mag-renew sa alinmang DFA satellite offices sa mga mall, regional offices o foreign service post.
By Allan Francisco