Ilulunsad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang service contracting program nito na kinabibilangan ng libreng-sakay sa mga pasahero simula Lunes, Abril 11.
Ayon kay LTFRB executive director Maria Kristina Cassion, pinaghahandaan nila ang implementasyon nito sa buong bansa pero hindi pa aniya kasama rito ang lahat ng ruta dahil hindi pa kumpleto ang ibang requirements ng ilang operators.
Kabilang ang EDSA bus carousel route na i-a-activate sa Lunes, gayundin ang NLEX to Metro Manila sa mga susunod na araw.
Magtatagal naman ng 45 hanggang 60 araw ang naturang programa depende sa rehiyon habang 60 araw sa Metro Manila.
Sa ilalim ng service contracting program, ang mga lalahok na drayber at operator ng mga pampublikong sasakyan sa free ridership program ng gobyerno ay makakatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa naabot na bilang ng kilometro kada linggo, may pasahero man o wala.—sa panulat ni Airiam Sancho