Hindi nakatanggap ng alokasyon sa 2023 budget ang Department of Transportation (DOTR) para sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay Program sa susunod na taon at pagbibigay ng insentibo sa mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan na lumahok dito.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ngayong araw, sinabi ni Transportation Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na humiling ang ahensya ng P12 bilyon para sa service contracting program para sa 2023.
Pero hindi ito naisama sa National Expenditure Program (NEP).
Sa ilalim ng NEP, mayroong proposed budget na 171.1 billion pesos ang DOTR para sa susunod na taon, na mas mataas ng 120.4% kumpara sa 75.8 billion pesos noong 2022.
Nabatid na ang servie contracting o libreng sakay program ay inisyatiba ng DOTR at LTFRB na inilunsad noong huling bahagi ng 2020 sa ilalim ng Republic Act no. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act para matulungan ang mga komyuter at mga sektor ng pampublikong sasakyan na apektado ng pandemya.