Posibleng ibalik sa una o ikalawang kwarter ng taon ang Libreng Sakay Program ng pamahalaan sa EDSA Bus Carousel.
Ito ang sinabi ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kabila ng tuluyan nang pagtatapos ng programa noong Disyembre 31 nakaraang taon.
Ayon kay Joel Bolano, technical division head ng LTFRB, mayroon nang inilaang pondo ang gobyerno para sa “Libreng Sakay” program.
Gayunman, hindi pa napag-uusapan ang proseso at petsa ng pagpapatupad nito dahil itinatatag pa ang “program of work” para sa budget.
Una rito, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad na maibalik ang libreng sakay na mayroong dalawa punto isang bilyong pisong budget, o isapribado ang operasyon ng bus carousel.