Nangako sina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na gawing libre ang pagsakay sa EDSA Carousel Bus kapag nanalo sila sa May 9 National Elections.
Ayon kay Marcos, napakagandang legasiya ito ng administrasyong Duterte at aniya’y ipagpapatuloy ito ng BBM-Sara UniTeam.
Matatandaang nagtapos noong December 2021 ang ‘libreng sakay program’ ng pamahalaan para sa mga essential workers at Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Binigyang diin pa ni Marcos na malaking tulong ito sa mga essential at frontline medical workers, lalo pa’t tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi pa ng dating senador na sa pamamagitan ng libreng sakay ay makakatipid ang publiko.
Bawat Carousel Bus Commuter, ay makakatipid ng P100 kada araw, na katumbas ng P3,000 kada buwan.
Ayon sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board, nasa 31-M commuter ang nagbenepisyo sa naturang programa.
Tiniyak ni Marcos na kapag nanalo siya sa 2022 polls ay iisipin niya ang kapakanan ng publiko.
“kung mabibigyan po ako ng pagkakataon ng makapaglingkod bilang pangulo ay titiyakin ko po na lahat ng aking iisipin at gagawin ay para sa ikabubuti lamang ng sambayanan,” pahayag ni Marcos.