Naramdaman na ng ilang estudyante ang libreng sakay na handog ng Dept of Transportation sa MRT 3, LRT 2 at PNR.
Gayunman, batay sa monitoring ng DWIZ, marami pa ring mga estudyante ang hindi nakaka alam na may mga oras na pwede silang sumakay ng libre sa tren dahil ginamit pa rin nila ang kanilang beep card at pumasok sa automatic gate.
Ayon sa DOTr, dapat ay dumaan muna sa teller ang estudyante kung saan ipapakita nila ang kanilang student ID para mabigyan ng tiket.
Ipapakita nila ang tiket sa security guard sa service gate kung saan sila dadaan at isasauli rin ang card na ito sa security guard ng service gate pagbaba nila ng tren.
Sa mga susunod na araw kailangan nang kumuha ng student free ride ID ang mga estudyante na maaring gawin online o sa malasakit help desk sa mga istasyon ng tren.
Libre ang sakay ng estudyante sa MRT 3 mula alas 5:00 ng madaling araw hanggang 6:30 ng umaga at alas 3:00 hangang 4:30 ng hapon.
4:30 ng umaga naman magsisimula ang libreng sakay sa LRT 2 hanggang alas 6:00 ng umaga at alas 3:00 hangang 4:30 ng hapon.
Samantala, alas 5:00 hanggang alas 6:00 ng umaga naman ang libreng sakay sa PNR at alas 3:00 hanggang alas 4:00 ng hapon.