Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga Pilipino.
Ito ang ibinahagi ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang event para sa ‘Laboratoryo, Konsulta, at Gamot para sa Lahat’ (Lab for All) caravan na layong makapaghatid ng free primary healthcare services para sa mga kumunidad sa buong bansa, partikular na sa mga liblib na lugar.
Para sa First Lady, tutupad ang inisyatibang ito sa commitment ni Pangulong Marcos na ilapit ang medical services sa mga Pilipino. Lagi umanong binabanggit ng Pangulo na mahalagang bigyan ng prayoridad ang healthcare. Kailangan itong maging mas accessible dahil aniya, “a healthy community is a productive community.”
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, isang hakbang ang Lab for All caravan sa pagsasakatuparan ng Universal Health Care (UHC), isang malawakang reporma sa healthcare sector ng bansa na naglalayong magbigay ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
Sa Lab for All caravan, iba’t ibang serbisyo ang ipinamamahagi para sa mga Pilipino, tulad ng libreng medical consultations, laboratory services, dental procedures, at minor surgeries. Mayroon ding ipinamimigay na libreng gamot, health kits, eyeglasses, wheelchairs, foldable walkers, pediatric walkers, at mga saklay.
Bukod sa mga ito, nakatanggap ang ilang benepisyaryo ng financial assistance, food packs, education subsidy, legal consultation, at iba’t ibang uri ng skills and livelihood trainings.
Naging matagumpay ang pagpapatupad ng Lab for All caravan dahil sa pagtutulungan ng public at private sectors. Ilan sa mga ahensya ng pamahalaan na lumahok sa programang ito ang DOH, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Higher Education (CHED), Food and Drug Administration (FDA), at National Housing Authority (NHA).
Ayon sa First Lady, hindi kaya ng pamahalaan na tugunan ang lahat ng problema sa bansa, kaya mahalaga ang pagkakaisa ng mga pampubliko at pribadong sektor. Idiniin niya, master plan ito ng Bagong Pilipinas campaign ni Pangulong Marcos na magbibigay ng tunay na pag-unlad para sa bawat Pilipino.