Namahagi ng libreng soil analysis ang department of agrarian reform o dar katuwang ang department of agriculture o da soils laboratory para sa mga agrarian reform beneficiaries o arbs mula sa iba’t ibang barangay ng saguday sa lalawigan ng quirino.
Layunin nitong matukoy ang tamang dami, uri, at timing ng ilalagay na pataba ng mga magsasaka sa kanilang sakahan.
Bukod pa dito, mababawasan din ang gastos sa produksiyon at madagdagan ang kita ng mga benepisyaryong magsasaka sa gitna ng tumataas na presyo ng mga farm inputs tulad ng inorganic fertilizer.
Ayon sa dar, nasa 57 samples na ng lupa ang nasuri at nabigyan ng rekomendasyon ng pataba na gagamitin para sa produksyon ng palay.
Samantala, nakatanggap naman ng solar-powered irrigation ang 97 magsasaka mula sa barangay Caran-agan sa munisipalidad ng juban sa lalawigan ng Sorsogon sa tulong din ng Department of Agrarian Reform o DAR at National Irrigation Administration (NIA).
Ito ay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program – Irrigation Component o CARP-IC na may kabuuang halaga na aabot sa 12 million pesos.
Layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga magsasaka na mabigyan ng libreng patubig para sa kabuuang 89 na ektarya ng lupang taniman sa nabanggit na lugar.
Sa tulong din nito, madadagdagan ang kanilang aning palay na posibleng umabot hanggang sa 100 sako kada panahon ng pag-aani dahil mayroon na silang sapat na suplay ng patubig.