Hindi kumbinsido ang ilang public transport advocate at bus operator sa pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na walang terminal fee sa North Luzon Express Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan.
Ito’y matapos ang naunang pahayag sa DWIZ ni LTFRB Executive director Tina Cassion na inalis na ang terminal fee sa NLET sa gitna ng pagdagsa ng mga biyahero sa iba’t ibang bus terminal ngayong Semana Santa.
Ayon kay transport advocate at dating senador Nikki Coseteng, dapat linawin ng LTFRB ang memorandum na inilabas ng pamunuan ng NLET as of January 12, 2021 na nagsasaad na mayroong bayad ang loading at unloading ng mga pasahero na tila panlilinlang sa mga bus operator.
Inihayag naman ni Narvacan, Ilocos Sur mayor Luis “Chavit” Singson, operator ng isa sa pinaka-malaking bus liner sa Luzon na sa katunayan ay walang pasaherong nais bumaba o sumakay sa NLET.
Gumagastos pa anya ng karagdagang pamasahe ang mga mananakay tuwing bababa at sasakay sa nasabing terminal kaya’t karamihan sa kanila ay ipinupuslit na lamang papasok at palabas ng Metro Manila.
Aminado si Singson na hindi naman siya tutol sa hakbang ng gobyerno na ayusin ang transportation system, subalit hindi ito nakatutulong lalo na sa taumbayan.
Ipinagtataka naman ng alkalde kung bakit inilagay ang NLET sa Bulacan gayong ang Parañaque ay nasa loob ng Metro Manila.
Samantala, muli namang umapela ang dating Ilocos Sur governor sa outgoing national government, lalo kay Pangulong Rodrigo Duterte at transportation secretary Arthur Tugade na maawa sa mga mananakay.