Asahan na ang libreng WiFi sa kahabaan ng EDSA sa pagdiriwang ng ika-isandaan at labing siyam (119) na kasarinlan ng bansa sa Lunes, June 12.
Ito ayon sa PCOO o Presidential Communications Operations Office ay bahagi nang paglulunsad ng DICT at NTC ng high speed internet services sa EDSA, batay na rin sa pangako ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagtayo na ng access points ang DICT sa lahat ng MRT stations at sa pagitan ng mga istasyon.
Isinasagawa naman ang service testing noong Sabado.
Priority ng nasabing proyekto ang kahabaan ng EDSA mula sa Cubao sa Quezon City hanggang sa Guadalupe sa Makati City.
Job Fair ikakasa ng DOLE
Libu – libong mga trabaho ang maaring aplayan sa isasagawang job fair sa Rizal Park sa Lunes.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ‘Araw ng Kalayaan’ sa Hunyo 12.
Ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE, may kabuuang 40, 689 na job vacancies ang iaalok ng pitumpu’t apat (74) na mga employer na makikiisa sa job fair.
Karamihan dito ay mga trabaho dito sa bansa habang mayroong ding alok na job offer mula naman sa ibang bansa partikular sa Middle East.
Gaganapin ang job fair sa Senior Citizen’s Garden sa Luneta simula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Magkakasa rin ang DOLE ng job fair sa iba pang pangunahing syudad sa bansa.
By Judith Estrada – Larino / Rianne Briones