Posibleng mapatapon palabas ng Pilipinas ang libu-libong mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito ang inihayag ng Bureau of Immigration (BI) kasunod ng ulat hinggil sa umano’y pagkakansela ng China sa pasaporte ng kanilang mga mamamayang nasasangkot sa mga krimen na may kaugnayan sa telecommunication.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, kanila pang beniberipika sa Chinese Embassy kung kinansela na nila ang pasaporte ng ilan sa kanilang mga mamamayan na nagtatrabaho sa mga POGO.
Paliwanag ni Sandoval, oras na mapatunayang kanselado na nga ang pasaporte ng mga ito, maituturing na silang mga undocumented foreigner kahit pa may hawak silang working permit.
Dagdag ni Sandoval, kinakailangan ding ipagbigay alam ng Chinese Embassy sa Bureau of Immigration kung mga mamamayan silang kanselado na ng mga pasaporte.
Aniya, oras na matanggap na nila ang listahan, agad na makikipag-ugnayan ang BI sa iba pang ahensiya para matunton ang kinaroroonan ng mga itinuturing nang undocumented alien at maiproseso ang pagpapadeport sa mga ito.