Libu-libong deboto ang dumagsa sa Basilika Minore ng Sto. Niño sa Cebu City para dumalo sa misa para naman sa taunang Sinulog festival alay sa pista ng Senyor Sto. Niño.
Sa kaniyang homily sa Sinulog grand parade, sinabi ni Msgr. Roberto Alesna na ang sinulog ay pagkakataon para sa pagkakaisa ng mga Pilipino.
Aniya, ang pagiging kristiyano ay nauukol sa relasyon ng mga mamamayan at ng simbahan katuwang na rin ang pamahalaan.
Dahil dito, hinimok ni Msgr. Alesna ang mga mananampalataya na ipagdiwang ang Sinulog nang may pag-alala sa kautusan ng Diyos na mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal sa dakilang lumikha.
Maliban sa Cebu, dagsa rin ang mga deboto ng Senyor Sto. Niño sa iba’t ibang panig ng bansa na nagdiriwang sa kapistahan ng batang hesus.
Katunayan, may kaniya-kaniya ring pangalan ang mga pista alay sa Senyor Sto. Niño tulad ng Lakbayaw festival sa Tondo at Buling-buling festival sa Pandacan sa Maynila, Ati-atihan festival sa Aklan at Dinagyang festival sa Ilo-Ilo.