Kumpirmado na ang pagkawala ng trabaho ng libu-libong manggagawa ng National Food Authority (NFA).
Ayon kay NFA Administrator Tomas Escarez, kasunod ito ng pagsasabatas sa rice tariffication kung saan nililimitahan na lamang ang papel ng NFA sa pagbili ng bigas na i-yi-imbak para sa panahon ng kalamidad.
Sinabi ni Escarez na magkakaroon ng restructuring at mawawala na ang mga departamentong nangangasiwa sa regulasyon ng pagbebenta ng bigas tulas ng pagbibigay ng lisensya sa mga rice retailer.
Nagpahayag ng pag-asa si Escarez na mabibigyan ng magandang compensation package ang mga mawawalan ng trabaho sa NFA dahil marami sa mga ito ay nasa dalawa hanggang tatlong dekada na sa serbisyo.
Una rito, nagbanta ang asosasyon ng mga empleyado ng NFA na kakasuhan nila sa Korte Suprema ang pamahalaan dahil sa paglabag sa security of tenure.
—-