Tinatayang walundaang pro-life advocates sa Cebu city ang lumahok din sa ipinatawag na “Walk for Life” ng Simbahang Katolika laban sa pagpapanumbalik ng parusang kamatayan at sunud-sunod na extra-judicial killings sa gitna ng giyera kontra droga ng gobyerno.
Bitbit ang mga banner na may mga katagang tulad ng “pro-god, pro-life, pro-family,” at “No to Death Penalty,” nilahukan din ang naturang aktibidad nina Cebu auxiliary bishop Oscar Florencio, Cebu city vice Mayor Edgar Labella at Cebu city 1st district Rep. Raul del Mar.
Ayon kay Dr. Rene Josef Bullecer, Vice President ng Council of the Laity in the Visayas at lead convenor ng event, nakikiisa sila sa panawagan para sa tama.
Kahit ilang taon anyang ipinatupad ang death penalty noong mga nakalipas na administrasyon ay hindi nito nabawasan ang mga krimen sa bansa kaya’t wala na ring saysay kung bubuhayin ito.
Samantala, nagsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad ang mga religious leader at mga sarado Katoliko sa Dagupan, Pangasinan at iba pang diocese sa bansa.
By Drew Nacino