Nagsumite na ang Magsasaka Party-list group ng listahan ng mga nominado sa Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules makaraang magdesisyon ang grupo na ang una nilang nominee ay si Atty. Argel Cabatbat na nagsasabing siya ang nararapat na kumatawan sa kanila sa House of Representatives.
Pinangunahan ni Cabatbat, chairman ng Magsasaka ang pagsusumite ng listahan, kasama sina Mario Palacay at Reynaldo Dela Peña, mga miyembro ng council of leaders.
Nabatid na ginawa ng grupo ang hakbang matapos magdesisyon ang Korte Suprema na valid ang pagkakatanggal kay Soliman Villamin Jr. bilang national chairperson.
Iginiit ng korte na hindi maaaring ituring na kinatawan ng Magsasaka si Villamin dahil sinibak na siya bilang opisyal ng grupo.
Samantala, kabilang sa listahan ng nominees na isinumite ng grupo ang mga sumusunod:
1. Argel Joseph Cabatbat (representative of Magsasaka Partylist, 18th Congress, farmers’ Lawyer)
2. Ariel Cayanan (dating DA Usec)
3. Dante Lazatin (Regional Manager, Irrigators Association, Upper Pampanga River Integrated Irrigation System na dati ring magsasaka)
4. Rafael Naral (dating Mayor, Anao, Tarlac, at magsasaka)
5. Reynaldo Dela Peña (farmer-leader, President, Farmers Association, Orion, Bataan)
6. Dennis Zuñiga (chairman, Provincial Agriculture and Fisheries Council, Aurora Province)
7. Mario Palacay (magsasaka, former Chairman, Municipal Agricultural and Fisheries Council, Floridablanca, Pampanga)
8. George Cabatbat (magsasaka, former councilor, Guimba, Nueva Ecija
9. Mark Joseph Cabatbat (Certified Public Accountant, co-founder, Magsasaka Outlet)
10. Marx Josef Mission (Partylist National Coordinator)
Matatandaang nagsagawa ng special general assembly at victory party ang Magsasaka Party-list na dinaluhan ng 7,996 delegado mula sa Region 3, kasama ang mga taga-Nueva Ecija, Bataan, Zambales, Tarlac, Bulacan, Pampanga, Aurora.
Dito’y binigyang-diin ni Cabatbat na ang Magsasaka ay tunay na kumakatawan sa interes ng mga Pilipinong magsasaka.
“Ang may-ari ng Magsasaka Partylist ay ang mga magsasaka. Kayo ang dapat masunod. Kayo ang dapat pakinggan. Nasa inyo ang desisyon kung sino ang gusto ninyong mamuno. Hindi tayo katulad ng ibang partylist na pagmamay-ari ng iilan lamang,” ani Cabatbat.
“Ang pagkapanalo sa Supreme Court ay pagkapanalo ng mga magsasaka, pagkapanalo ninyo,” dagdag pa niya.